Thursday, January 17, 2019

Bayabas benefits: Ano-ano nga ba ang sustansiyang hatid ng paboritong prutas ni Juan?



Ang paboritong prutas ni Juan Tamad ay nag-uumapaw pala sa sustansiya! Power! (Source: pixabay.com)
Alam n’yo bang puwedeng tawagin na superfruit ang bayabas? Weh, ‘di nga?!
Aba, oo naman! Hindi man masyadong napapansin sa mga pamilihan, ang bayabas ay nagtataglay ng mga sustansiya na kailangan ng ating katawan upang labanan ang mga allergy at malalang sakit.
Bukod pa riyan, kapaki-pakinabang din ang mga dahon nito na maaaring gawing alternatibo sa mga mamahaling beauty products. Kaya naman pala bentang-benta sa mga kapitbahay nina Aling Siony at Tatay George ng “Juan Tamad” ang kanilang guava products katulad ng guava jelly, guava powder at guava soap!
Hindi ka makapaniwala, ‘no? Para ibahagi sa atin ang ilan sa mga health benefits na puwede nating makuha sa pagkain ng prutas na ito, narito si Dr. Gerald Belandres, isang Primary Care Physician sa Family Access Health Group at Occupational Health Physician sa Minute Health Care.
Ang pagkain ng bayabas ay nakatutulong upang labanan ang sakit

Sulit naman pala ang paghihintay ni Juan Tamad na mahulog ang bayabas!
Ang simpleng pagkain ng superfruit na ito ay nakatutulong upang labanan ang mga sakit tulad ng allergies, ubo at sipon. Bakit? Dahil ang isang bayabas ay nagtataglay ng Vitamin C na kailangan ng ating katawan.
Pero maniniwala ka ba kung sasabihin sa’yo ni Juan Tamad na ang Vitamin C ng bayabas ay mas marami pa sa Vitamin C ng isang orange?
Sabi nga ni Dr. Gerald Belandres, “Mataas ang content ng Vitamin C ng bayabas compared sa ibang fruits and vegetables dahil ito ay may sapat na ascorbic acid content dahil sa kaniyang berdeng appearance at flesh nito.”
Kung gusto mong gumanda ang iyong balat, kumain ng bayabas

Ano ang say n'yo sa skin ni Aling Siony? Alagang bayabas 'yan!
Gusto mo bang mapanatili ang iyong magandang kutis? Aba, madali lang ang remedyo diyan! Bukod sa nakakatulong ito upang palakasin ang ating katawan, taglay din ng bayabas ang vitamin A, lycopene, and carotene na nakakatulong upang mas mukhang bata ang balat. Kung hindi n’yo naitatanong, ito rin ang malupit na sikreto ni Aling Siony kung bakit laging pak na pak ang kaniyang balat!

Wow, pak na pak! Ikaw na, Aling Siony!
Hindi ka makapaniwala, ‘no? Ayon nga kay, Dr. Gerald Belandres “Ang bayabas kasi ay nag-e-enhance ng collagen ng balat para mapanatili ang moisture at pagkabata nito.”
Ang bayabas ay may vitamin content na nakalilinaw ng mata

Hinding-hindi na siya mawawala sa paningin mo!
Katulad ka ba ni Juan na lagi lang nakatitig sa kagandahan ni Marie? Para walang palya ang bawat sulyap mo sa kaniya, bakit hindi mo araw-arawin ang pagkain ng bayabas?
Ayon sa mga medical research, ang vitamin A ay nakatutulong upang panatilihing malinaw ang ating mga mata. Ang bitaminang ito ay makukuha sa regular na pagkain ng mga prutas at gulay katulad ng carrots, kalabasa at apricots.
Hindi pa man tuluyang nasusuri ang iba pang sustansiyang taglay ng bayabas, may ilang nutrients naman ito katulad ng collagen property na ring makatulong upang maging malinaw ang mga mata.
Ayon kay Doctor Gerald Belandres “Although, walang specific na studies para dito pero mataas kasi ang collagen property at vitamins nito na talaga nga namang nakatutulong para magkaroon ng mas malinaw na paningin.”
Ang pagkain ng bayabas ay maaaring bawasan ang risk ng kanser
Ayon sa ilang medical reports, mayroon anti-cancer o anti-tumor properties na matatagpuan sa bayabas. Ilan sa mga ito ay lycopene, querticin, Vitamin C at various polyphenols na nakatutulong proteksyunan ang katawan mula sa kanser.
Pero, totoo nga ba ang magandang balita na ‘to, Juan? Ayon kay Dr. Gerald Belandres, “Actually, wala pang sapat na studies para dito pero mayroon kasi itong anti-oxidant properties na nakatutulong palakasin ang immune system ng isang taong may cancer.”
Mukhang acne-free katulad ni Marie? Bayabas ang sagot diyan

Mukhang acne-free? Kayang-kayang i-achieve 'yan ng bayabas!
Hindi mo naman kailangang gumastos o dumaan sa napakaraming chemical treatments para lang alisin ang nakababahalang acne sa mukha. Dahil ang gamot sa mga skin problem katulad ng acne ay makikita lang mismo sa bakuran ni Juan. Aba, powerful!
Batay sa pag-aaral ng American Journal of Chinese Medicine, ang dahon ng bayabas ay mayaman sa anti-bacterial properties na nakatutulong para pigilan ang pagdami ng mga tigyawat sa mukha!
“Oo, nakakagamot ito ng acne kasi may anti-bacterial property ito lalo na sa paglanggas ng sugat at acne,” wika ni Dr. Gerald Belandres. 
Sa kabila ng katamaran ni Juan Tamad, sino ang mag-aakala na ang prutas na araw-araw niyang binabantayan ay sobra-sobra pa ang biyayang hatid sa kaniya at sa kaniyang mga kapitbahay.
Kaya payo ni Juan Tamad, ugaliing kumain ng bayabas! --- BMS/GMA Public Affairs

No comments: